Just Pagsuko

Malamig na ang hangin. Ramdam ng mga pisngi kong basa ng luha.
Habang wala kong magawa kundi ihatid sya ng tingin.
Kung san sya papunta, di ko na alam.
Baka sa kaligayahan na di nya sa akin natagpuan…

“Baka pwede pa natin mapag usapan? Ang tagal na natin, bakit ngayon
pa?”
“Wala nang pag uusapan. Pagod na ko”
“Anung dahilan?”
“Pagod na ako”
“Bigyan mo naman ako ng chance na lumaban”
“Wala ka ng dapat pang ipaglaban. Di na kita kayang ipagtanggol pa”
“Bakit? Gano ba ako kasama sa paningin nila para ipagtanggol mo
ako? Akala ko ba yung mundo natin ay umiikot lang sa ikaw lang at
ako?”
“Yan din ang akala ko…”
“Anong nangyayari? Nasan na ba tayo?”
“Ikaw ang nasaan? Bakit may ibang tao na nasa tabi ko kung lagi kang
nandyan para sa akin?”
Impit ang galit sa boses nya.
Huminga ako ng malalim. Pigil ang emosyon habang nakatingin sa
malayo.
“Dahil di naman ako yung kailangan mo? Dahil di naman ako yung
gusto mong nandyan.”
Tumingin sya sa mga mata ko. Nagtatanong ang mga mata nya.
“Alam ko dahil nararamdaman ko. Hindi bingi ang puso ko para di
marinig yung mga hinaing mo”
“Bakit wala kang ginawa?”
“Ayokong masayang yung limitado nating oras para magtalo”
“At eto ang kapalit?”
“Lahat ng ginagawa ko ay para sa ating dalawa at sa pamilyang
pangarap natin”
“Di ko kailangan ng kaginhawaan para maging masaya”
“Kaya mo bang sabihin yan habang nakikita mo yung magiging anak
natin ay nag uulam ng asin?”
“Panahon at oras yung kailangan ko”
“Panahon at oras na binibigay ko pero nasasayang dahil mas gusto
mong makipagtalo kesa pagmasdan yung mga bagay na dapat sanang
makakapgpasaya sayo”
“Ayoko na… Siguro nga dahil wala na yung dati kong nararamdaman
sayo”
“Naniniwala akong nararamdaman mo pa din yun. Mas natabunan nga
lang ng nararamdaman mo para sa kanya”

Hindi na sya kumibo. Parehas kaming nakakadena sa mga bagay na
gusto naming paniwalaan at panindigan. Hindi sapat na maging susi
ang bawat patak ng luha.
Pagod na ang mga mata ko pero patuloy lang sa pagagos ng luha.
Parehas kaming nakatitig lang sa palubog na araw sa likod ng mga
gusaling dati naming nililibot ng walang dahilan.

Isa.
Dalawa.
Tatlumpung minuto ang lumipas. Gustuhin ko mang di matapos ang
sandali pero lahat ng bagay ay may katapusan. May masaya at
malungkot. Pero lahat natatapos.
“Pwede ko bang hawakan yung kamay mo bago ka umalis?”
Hindi ko na hinintay na pumayag sya.

Hinawakan ko ang kamay nya.
Hinalikan.
Kasabay ng muling pag agos ng luha, hinila na nya ang kamay at
tuluyang tumayo at lumakad palayo.

Malamig na ang hangin. Ramdam ng mga pisngi kong basa ng luha.
Habang wala kong magawa kundi ihatid sya ng tingin.
Kung san sya papunta, di ko na alam.
Baka sa kaligayahan na di nya natagpuan sa akin.
End
03.31.2014
11.30am

Leave a comment

Create a free website or blog at WordPress.com.

Up ↑